
LUNGSOD NG PASIG, Mayo 4, 2023 – Nakatakdang salubungin ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang pinakamahuhusay na campus journalists sa bansa sa pagbabalik ng physical National Schools Press Conference (NSPC) mula Hulyo 17 hanggang 21, 2023 na pangungunahan ng Cagayan de Oro bilang host.
Para sa NSPC ngayong taon, tanging ang mga nangunang regional winner sa bawat medium sa indibidwal na kategorya at isang koponan, na binubuo ng limang miyembro, sa bawat medium sa kategorya ng grupo ang makasasali sa kompetisyon. Bukod dito, maaari lamang lumahok ang isang campus journalist sa isang event, alinman sa indibidwal o pangkat na kategorya.
Sa kabilang banda, ang nangunang limang (5) regional winners sa bawat medium ang maaari namang lumahok sa school paper category.
Tulad sa mga nakaraang taon, maglalaban-laban ang mga kalahok para sa mga indibidwal na karangalan sa iba't ibang kategorya ng pamamahayag tulad ng Pagsulat ng Balita, Pagsulat ng Lathalain, Pagsulat ng Editoryal, Pagsulat ng Balitang Isports, Pag-uulo at Pagwawasto, Pagsulat ng Pang-Agham at Teknolohiya, Larawang Pampahayagan, Kartung Editoryal, at Pagsulat ng Kolum.
Makikipagtagisan din sa Radio Script Writing at Broadcasting at Collaborative Desktop Publishing ang mga koponan mula sa elementarya at sekondaryang antas, habang ang mga sekondaryang mag-aaral lamang ang sasabak sa Online Publishing at TV Script Writing at Broadcasting para sa mga paligsahan ng grupo.
Bukod pa rito, huhusgahan ang mga entry para sa school paper contest batay sa News Section, Feature Section, Editorial Section, Science and Technology Section, Sports Section, at Layout at Page Design.
Ang mobile journalism na nakatakdang maging dagdag na kategorya sa mga susunod na taon ay ipakikilala sa isang kasabay na sesyon na dadaluhan ng sampung secondary campus journalists (lima sa Ingles, lima sa Filipino) at sampung school paper advisers mula sa bawat rehiyon.
Sa temang "From Campus Journalism to Real-World Journalism: Shaping Minds from Schools to Societies," ang taunang Schools Press Conference ay magbibigay rin ng parangal sa mga outstanding school paper adviser at campus journalists.
Naglalayon ang taunang kumperensya na magpakita ng pag-unawa sa pamamahayag sa pamamagitan ng mahusay na pagpapatupad sa iba't ibang plataporma (halimbawa ay print, broadcast, online) at bigyan ang mga mag-aaral ng pagkakataong gamitin ang mga kasanayang natutunan sa campus journalism para sa kanilang mga karera sa hinaharap.
Para sa iba pang detalye ukol sa 2023 NSPC, bisitahin ang https://buff.ly/42mpNGR.

PRESS RELEASE